Inilahad ni Chariz Solomon na may nakatrabaho siya noon na inaakusahan siya ng sexual harassment kaya ayaw na niya itong makasama muli sa proyekto.

Sa nakaraang episode ng "Lutong Bahay," tinanong si Chariz ng host na si Mikee Quintos tungkol sa artistang ayaw na niyang makatrabahong muli.

"Mahabang istorya. Noong buntis pa lang ako kay Apollo, one month," pagbabahagi ni Chariz, tungkol sa naturang anak niya na kaniyang ipinagbuntis noong 2013.

Paglilinaw ni Chariz, wala na siyang sama ng loob sa naturang katrabaho na hindi na niya pinangalanan, ngunit nagbigay daw ito sa kaniya ng labis na pagkabalisa dahil sa ginawang akusasyon.

"Hindi na ako galit. Pero like it was so much for me at that time kasi nga first time kong nabuntis, tapos [the drama]. 'Di ba 'yung anxiety na dinala [niya] sa trabaho," anang Kapuso comedianne.

Regular daw ang artistang ito sa isang programa, habang semi regular pa lang noon si Chariz.

"Nag-message siya sa akin, nag-e-mail siya na sa tingin ko siya 'yun pero sinasabi niya, girlfriend niya," kuwento ni Chariz.

"Sinabi niya, hina-harass ko raw siya sexually. As in type ko raw siya," pagbabahagi pa niya.

Iginiit ni Chariz na hindi ito totoo dahil hindi naman niya tipo ang naturang katrabaho.

"So ako naman, Shucks! Hindi ko talaga siya type," sabi niya tungkol sa naturang aktor na dahilan kaya ayaw na niya itong makatrabaho. -- FRJ, GMA Integrated News