Humantong sa trahediya ang prank ng mga kabataan nang mamatay ang lalaking hinamon nilang umupo sa kahon na puno ng mga paputok sa Bengaluru, India.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing pinaupo ng grupo ng mga kabataan ang lalaking nakaputi na kinilalang si Shabari, na lasing noon, sa gitna ng isang eskinita.
Pinangakuan ng grupo ng kabataan si Shabari na bibigyan nila ito ng auto-rickshaw, na isang uri ng tricycle, kung magtatagumpay siya sa hamon.
Matapos sumabog ang kahon ng mga paputok, nakaupo pa ang lalaki ngunit dahan-dahan na siyang napahiga sa kalsada.
Itinakbo nila ang lalaki sa ospital. Sa kasamaang palad, pumanaw ang biktima habang ginagamot.
Mabilis na nag-viral ang video na inilabas habang gumugulong ang imbestigasyon ng pulisya.
Dinakip ang anim na kabataang edad 18 hanggang 22, na posibleng masampahan ng kasong homicide.
Kaibigan umano ni Shabari ang isa sa mga may pakana ng prank.
Ayon sa ina ng 32-anyos na biktima, nagtatrabaho ang kaniyang anak bilang laborer at pauwi na sana noon sa kanilang bahay.
"I wish he had stayed away for a few more days. At least, he would still be alive. There should be a limit to playing pranks. His friends knew he was drunk, yet they provoked him," sabi ni Vijaya, ina ni Shabari. — RSJ, GMA Integrated News