Walong Filipino-Americans ang kabilang sa mga kandidato sa iba't ibang posisyon sa Amerika sa gaganaping presidential elections ngayong Nobyembre 5. Isa sa kanila ang tumatakbong senador, at dalawa naman sa pagka-alkalde.

Muling hihirit ng isa pang termino bilang New York State Assemblymember si Steven Raga para maging kinatawan ng District 30 sa Queens, New York.

Kandidato naman sa California Assembly si Jessica Calazo, dating Chief of Staff ni California first Attorney General Rob Bonta.

Aspirante para sa upuan sa City Council ng Los Angeles County si Ysabel Jurado.

Puwesto rin sa Wisconsin State Assembly ang target ni Angelito Tenorio.

Habang nais ng Fil-Am na si Todd Gloria na maging alkalde ng San Diego, California.

Si Juslyn Manalo, tumatakbo para sa kaniyang ikalawang termino bilang alkalde ng Daly City.

Lumalaban naman si Christopher Cabaldon para sa Senate seat sa California State.

Nagtapos na ang early voting na naging mas mababa umano ang bilang ng mga bumoto kumpara sa 2020 election nang talunin ni Joe Biden ang incumbent president noon na si Donald Trump.

Ang vice president ni Biden na si Kamala Harris ang kalaban ngayon ni Trump sa panguluhang halalan.

Ayon sa Vote.org, mahigit 72 milyong botante ang nakibahagi sa early voting ngayong halalan.

Sa New York City, umabot sa 2 milyon ang bumoto, na mas mababa sa 8.6 milyon noong 2020.

Nagtapos ang early voting noong 5 p.m., at magsisimula ang pormal na botohan sa Election Day sa November 5.

Inaasahang na magiging dikit ang laban nina Trump at Harris dahil na rin sa walang lumalabas na malinaw na panalo batay sa mga lumabas na survey.— mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr./FRJ, GMA Integrated News