Sinabing may 11 milyong Pinoy ang may asthma o hika, at nasa 98% sa kanila ang hindi nakatatanggap ng tamang gamutan, base sa Global Asthma Report. Anu-ano nga ba ang "facts" at "myths" tungkol sa sakit na ito?

Sa programang Unang Hirit nitong Huwebes, ipinaliwanag ng pulmonary medicine specialist na si Dr. Ed-Marvin Hilario, na ang hika ay isang sakit sa baga na namamaga ang daanan ng hangin at sumisikip kaya nahihirapang huminga ang pasyente.

Ayon kay Hilario, totoo na namamana ang hika dahil isa rin sa factors nito ang genetics.

Madalas na palatandaan ng hika ang matagal na pag-ubo, hirap sa paghinga, at paninikip ng dibdib. Ang iba namang pasyente, naririnig na tila may pito o sipol kapag humihinga.

Ilan sa mga instrumento para matukoy kung may hika ay ang peak flow meter, na sumusukat sa kapasidad ng baga, at mga nebulizer.

Ilang Pinoy ang may iba-ibang paniwala tungkol sa hika, gaya ng pag-ihaw o paglaga ng butiki bilang gamot dito.

Pero paglilinaw ni Dr. Hilario, "Hanggang sa ngayon wala pa pong pag-aaral na nagpapatunay na ang pagkain ng butiki ay nakatutulong sa paggamot ng asthma."

May mga paniniwala rin na hindi raw dapat mag-ehersisyo ang taong may hika.

Ngunit ayon kay Hilario, kailangan lamang kumonsulta sa doktor ang taong may hika para malaman niya kung anong ehersisyo ang maaari niyang gawin kung gusto niyang mag-ehersisyo.

Maaari ding gumamit ng mga reliever at maintenance medication bilang additional inhaler para hindi atakihin kung mag-e-ehersisyo ang isang taong may hika.

Pero totoo nga bang maaaring bumalik ang hika kung nawala na ito nang magka-edad ang isang tao? Ayon kay Hilario, posible dahil hindi naman talaga tuluyang nawawala ang hika ng isang tao, lalo na kung nagkaroon na siya nito noong bata pa. --FRJ, GMA Integrated News