Inihayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Huwebes na lumago ang ekonomiya ng bansa ng 5.2% sa ikatlong quarter ng taon. Gayunman, mas mabagal ito kumpara sa nagdaang quarter na 6.4%.
Dahil dito, sinabi ng PSA, na ang paglago ng ekonomiya sa ikatlong quarter ay nagdala sa average gross domestic product (GDP) growth sa 5.8% para sa unang tatlong quarter ng 2024, na bahagyang mas mababa sa 6% hanggang 7% na target ng gobyerno para sa taon.
Ayon kay PSA Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, ang gross domestic product (GDP)--na kabuuang halaga ng mga produkto at serbisyo na nalikha sa isang panahon-- ay lumago ng 5.2%, at ang sektor ng serbisyo ang may pinakamalaking ambag na 4.1%.
Nag-ambag naman ng 1.3% ang sektor ng industriya sa paglago ng GDP, habang -0.2% naman ang kontribusyon ng Agriculture, Forestry, and Fishing (AFF) industry.
Tumaas ang gross national income (GNI) ng 6.8% at 19.3% naman sa net primary income.
“Sa ikatlong quarter ng taong 2024 ang per capita GDP ay tumaas ng 4.3%. Ito ay mula sa pagtaas na 5.1% mula sa parehong quarter noong nakaraang taon. Ang per capita GNI at per capita HFCE ay parehong nakapagtala ng pagtaas na 5.8% at 4.2%,” sabi ni Mapa sa press conference.
Sa kabila nito, sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, na isa pa rin ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na may pinakamabilis na paglago sa ekonomiya.
"We follow Vietnam which posted a 7.4% growth rate, and are ahead of Indonesia (with 4.9%), China (4.6%), and Singapore (4.1%)," pahayag niya.
Ipinaliwanag din ng opisyal na ang paghina ng paglago ng ekonomiya sa ikatlong quarter ay dulot ng katamtamang paglago sa industriya at serbisyo at paghina sa sektor ng agrikultura.
Pero tiwala pa rin si Balisacan na makakamit ng bansa ang economic target para sa taon. Aniya, kinakailangan na lumago ang ekonomiya sa huling bahagi ng taon nang hindi bababa sa 6.5% upang maabot ang target.
“We anticipate increases in holiday spending, more stable commodity prices, lower interest rates, and a robust labor market. In the areas affected by typhoons, recovery efforts will drive economic activity and, hopefully, build back better,” pahayag niya.
“Due to easing inflation, consumer and business sentiments have shown signs of improvement. To boost liquidity, the Bangko Sentral ng Pilipinas cut policy rates by a cumulative 50 basis points in August and October 2024, alongside a reduction in reserve requirements. We expect these interventions to spur growth in private spending, particularly on big-ticket consumer items and investments in capital-intensive infrastructure,” dagdag ng opisyal.—mula sa ulat ni Sundy Locus/FRJ, GMA Integrated News