Markado kay Buboy Villar ang isang artista na tinawag niyang "unprofessional" na first time sa kaniyang showbiz career na makatrabaho at ayaw na sana niyang maulit.
Sa bagong cooking show na Lutong Bahay sa GTV na host si Mikee Quintos, hindi lang pagluluto ang mapapanood kung hindi may kasama ring kuwentuhan at tsikahan.
Sa isang episode ng programa na si Buboy ang guest, tinanong ni Mikee ang aktor kung sino sa mga artista ang ayaw na niyang makatrabaho.
“Nagsimula ka sa showbiz four, five years old, magbigay ka sa amin ng isang pangalan na ayaw mo nang makatrabaho ulit,” tanong ni Mikee kay Buboy.
Natatawang may kasamang pag-aalinlangan si Buboy na sagutin ang tanong. Pero nang sabihin ni Mikee na ibulong na lang sa kaniya ang pangalan, ginawa naman ito ng aktor at ipinaliwanag na lang kung bakit ayaw na niyang makatrabaho ang naturang artista.
“Dapat walang makakaalam [ng pangalan],” natatawang sabi ni Buboy.
Kuwento ni Buboy, unang pagkakataon niyang nakatrabaho ng ganoong artista at nagulat siya sa pagiging unprofessional nito sa set o sa kanilang trabaho.
"First time ko lang kasi makatrabaho ng ganun. Lahat ng mga kasama natin sa isang show ay professional," ani Buboy.
Ayon pa sa aktor, tumatanggi sa eksena ang naturang artista at nagiging dahilan ng delay.
“Ako bilang isang aktor, game ako sa lahat, pero minsan kasi tumatanggi siya sa mga eksena at nade-delay na 'yung mga eksena,” patuloy ni Buboy.
“Siyempre, 'pag mayroong isang delay, domino effect 'yan; buong staff and crew, made-delay, aabutin tayo ng madaling araw,” dagdag pa niya.
Sa naturang episode, nagkuwento rin si Buboy tungkol sa kaniyang pamilya at negosyo, maging sa friendship nila ni Jelai Andres.
Napapanood ang Lutong Bahay mula Lunes hanggang Biyernes, 5:45 p.m. sa GTV. -- FRJ, GMA Integrated News