Nadakip ang isang lalaki na nasa likod umano ng dalawang insidente ng pagnanakaw ng motorsiklo sa Tanay, Rizal.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing hinuli ang suspek na kinilalang si alyas "Jas" sa Barangay Tandang Kutyo 7 p.m. ng Martes.
Isinalaysay ng biktima sa pulisya na pasado 3 p.m. nang malaman niyang nawawala na ang kaniyang motorsiklo matapos itong i-park sa labas ng kaniyang pinagtatrabahuhan.
Agad niya itong ipinaalam sa kaniyang ama.
Tiyempo namang naglalakad ang ama ng biktima sa Tanay at nakitang ibang tao ang gumagamit sa motor.
Hinabol ng ama ang suspek sa gitna ng traffic, at tiyempo namang may mga pulis na nagpapatrolya. Doon na nadakip ang suspek.
Depensa ng suspek, hindi niya ninakaw ang motor kundi hiniram sa kaniyang kaibigan.
Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, isa ang lalaki sa dalawang suspek na sangkot din sa insidente ng pagnanakaw rin ng motor sa Cainta, Rizal noong Oktubre 31.
Itinanggi ng suspek ang alegasyon sa kaniya, ngunit ang 19-anyos na lalaking kaniyang kasama na si alyas "Arn," iginiit na magkasama sila at si alyas "Jas" ang talagang kumuha ng motor.
Batay sa tala ng pulisya, nabilanggo na rin noon si alyas Jas dahil sa mga kasong theft, illegal drugs at physical injury samantalang gambling naman ang ikinaso noon kay alyas "Arn."
Posible umanong mga miyembro ng malaking grupo ng mga carnapper ang dalawang suspek ayon sa pulisya.
Mahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa anti-carnapping law. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News