Maging halimbawa sana sa atin ang kababaang-loob ni Juan Bautista na hindi nagpanggap na siya ang hinihintay na Sugo at Tagapagligtas (Jn 1:19-28).

Sa panahon ngayon, uso ang salitang "epal" o taong mahilig pumapel para magpasikat, maging bida, sumipsip o magpalakas. Ang kaniyang pangunahing intensiyon ay iangat ang sarili para sa pansariling kapakanan.

Pero hindi makasarili at hindi mapapel si Juan Bautista gaya nang nakasaad sa Mabuting Balita (Juan 1:19-28). Hindi siya nagpanggap na si Kristo, ang hinihintay na Sugo at Tagapagligtas ng mga tao.

Ginawa niya ito nang tanungin siya ng mga pari at mga Levita na ipinadala ng mga Judio upang alamin kung sino siya. At dito ay buong kababaang-loob niyang sinabi na hindi siya ang hinahanap nilang si "Kristo."

Hindi siya nagpanggap na si Elias at hindi rin inako ni Juan Bautista ang pagiging isang Propeta. Sa halip, sinabi niya na siya ay isang tinig lamang na sumisigaw sa ilang upang ihanda ang mga tao sa pagdating ng tunay na Tagapagligtas.

Walang pakay si Juan Bautista na mangpanggap. Hindi niya hangad na maging sikat at papelan ang isang tungkulin na hindi sa kaniya kung hindi kay Hesus.

Maging isang ehemplo sana sa atin si Juan Bautista lalo na ngayong panahon na maraming pagsubok na kinakaharap ang marami nating kababayan. May mga taong inaangkin ang pagkilala at ipinagmamalaki pa ang mga pagtulong pero kung minsan ay hindi naman pala talaga siya ang tunay na nasa likod ng magandang gawain.

Kahanga-hanga ang mga taong tumulong na hindi na kailangan ipamalita ang kaniyang ginagawa. Lalo na kung may ibang tao na inaangkin ang kanilang ginagawang pagtulong pero hinahayaan na lamang nila.

May iba naman na nagkukunwaring malakas pero ang totoo ay mahina at ayaw aminin ang tunay na pagkatao o personalidad. Nagtataka pa sila kung bakit hindi sila matanggap ng ibang tao gayung hindi nila magawang magpakatotoo sa kanilang sarili.

Si Juan Bautista ay hindi nahiyang aminin ang kaniyang tunay na pagkatao. Hindi niya pinapelan ang tungkulin na hindi naman nakalaan para sa kaniya kahit pa marami ang nag-aakala na siya ang Tagapagligtas.

Hindi siya nahiyang aminin na isa lamang siyang tao na may maliit na papel na kailangan gampanan para sa misyon ng tunay na Tagapagligtas na si Hesus.  Kahit nga raw ang magkalag ng tali ng sandalyas ni Kristo ay hindi siya karapat-dapat.

Ilan kaya sa atin ang nais na tularan ang kababaang-loob ni Juan Bautista? Ilan kaya sa atin ang nakahandang magpakababa?

Ang isang uri ng pagiging mapagmataas ay yung hindi marunong tumanggap ng pagkakamali. Mga taong hindi nauubusan ng pangangatwiran; kahit batid na ang nagawang pagkakamali ay hindi pa rin magawang magpakumbaba na aminin ang kasalanan.

Nawa'y matuto tayo sa kuwento ni Juan Bautista. Sapagkat ang sabi sa isang Pagbasa: Ang nagmamataas ay ibinababa, at ang nagpapakumbaba ay ang itinataas.  Amen.

--FRJ, GMA News