Nakatanggap ng parusa ang 12 sa 15 housemates sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" matapos nilang labagin ang patakaran ni "Kuya" sa bahay.

Sa episode nitong Lunes, nakatanggap ng envelope ang mga housemates pagkagising nila. Ang mga walang natanggap na envelope ay sina Dustin Yu, Klarisse de Guzman, at Ashley Ortega.

Sa confession room, sinabi ni Kuya na laman ng envelope ang mga violation na nagawa nila sa unang linggo ng pananatili nila sa kaniyang bahay.

Kabilang sa mga violation na ginawa ng mga house mates ang pagbulong o pagtatakip ng bibig kapag nagsasalita, hindi pag-alis ng lapel sa pool, pag-uusap tungkol sa kanilang hotel arrest, pag-uusap tungkol sa nominations, paggalaw at pagkasira ng furniture, pagsasalita nang walang lapel, at pagtatakip sa camera.

Si AC Bonifacio ang may pinakamaraming violations na umabot ng apat.

Bilang parusa, pinatakbo ang 12 housemates ng limang paikot sa pool at isusulat ang mensaheng, "Hindi na ako lalabag sa mga patakaran ni Big Brother."

Kailangan din nilang isulat ang mensahe sa isang giant whiteboard pero magiging human pen ang bawat isa.

Makaraang maging human pen na ang 11 sa kanila, kailangan naman nilang isulat muli ang pangako nang dikit-dikit nang si Josh Ford na ang huling human pen.

Matapos ang parusa, natuto ng leksiyon ang 12 housemates na kailangan nilang sundin ang mga patakaran sa bahay ni Kuya.

"Bahay n'yo po 'to eh, 'Bahay Ni Kuya,' we really need to respect the rules that were given to us. Rules were made for a reason po and if we choose to not listen then magugulo po 'yung buong bahay," sabi ni AC.

Napapanood ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa GMA Network sa ganap na 10 p.m. sa weekdays at 6:15 p.m. sa weekends. — mula sa ulat ni Josiah Antonio/FRJ, GMA Integrated News