Isang operasyon para mahuli ang mag-asawang mga drug suspek ang nauwi sa barilan sa Barangay Mahabang Parang sa Angono, Rizal. Ang tatlo nilang mga parokyano, naaresto rin.Sa ulat ni EJ Gomez sa "Unang Balita" nitong Martes, mapanonood ang pagsalakay ng kapulisan sa paakyat na lugar sa barangay noong Biyernes.Ilang saglit pa, nagkaputukan na ang dalawang panig habang tinatangka umanong tumakas ni alyas “Lolo,” 57-anyos."Alam namin na may baril but syempre as much as possible gusto namin na huli na walang shootout na mangyari. But, unfortunately, nag-draw ng baril itong si alyas ‘Lolo.’ Noong nahalata niya na parang sumenyas ‘yung ating pulis, tumakbo siyang bigla at paghabol sa kaniya ng ating pulis, pinutukan niya," sabi ni Police Lieutenant Colonel Ariel Azurin, hepe ng Antipolo Municipal Police.Tinamaan sa braso si alyas “Lolo” sa gitna ng engkuwentro, at agad siyang inaresto.Narekober ng pulisya ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu at isang .38 caliber na baril na ginamit ng suspek.Timbog din ang kaniyang 59-anyos na asawa, na nahuli naman ng pulisya sa akto ng pagbebenta ng droga sa dalawang tao na mag-asawa rin.Nadakip din ang isa pang mag-asawa."May katransaksiyon din si alyas ‘Lola’ sa pagbebenta ng ilegal na droga na si alyas ‘Choi.’ Then kasama niya 'yung kaniyang wife. Then ‘yun ay nahuli rin natin. Then nandu’n din sa area si alyas ‘Kobe,’ 'yung kaibigan niya na kasama. Iyon ay may baril din, si alyas ‘Kobe,’" sabi ni Azurin.Nakumpiska naman mula kay alyas “Kobe” ang isa pang .38 na baril at ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu.Lumalabas sa imbestigasyon na si alyas “Lolo” ang leader umano ng grupong nagbabagsak ng ilegal na droga sa lugar.Itinanggi ni alyas “Lolo” ang paratang at ang nangyaring pamamaril, kundi itinuro lamang siya ng kaniyang kaaway sa lupa.“Mali po 'yun ma'am. Hindi po totoo 'yan. Hindi po ako nagbebenta ng droga. Hindi po ako nagpaputok ma'am eh. Pinaginitan ako nila, ‘yan ang totoo. Sinabi na ako ay nagtitinda ng droga, ako ay may baril. Kaya siyempre naniwala naman ang mga pulis. Doon po ako inoperate 'yan,” sabi ni “Lolo.”“Pagkakaalam ko kaaway, hindi mga pulis. Dahil kung alam kong pulis, ba't ako tatakbo? Hindi ako tatakbo dahil siyempre pulis 'yan,” sabi ni "Lolo" nang tanungin kung bakit niya sinubukang tumakas.Tumangging magbigay ng pahayag ang asawa ng suspek, gayon din ang iba pang nahuling suspek, na nakadetene sa custodial facility ng Angono Municipal Police Station.Maharap ang mga suspek sa patong-patong na kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, illegal possession of firearms and ammunition, at paglabag sa Omnibus Election Code. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News