Nag-alok ng pabuya ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para mahuli ang rider na bumaril at pumatay sa nagmalasakit na rider na humabol sa suspek matapos takasan ang mga traffic enforcer sa Quezon City kamakailan.
Sa Facebook post ng MMDA, sinabing bumisita nitong Lunes sina MMDA Deputy Chairman undersecretary Frisco San Juan Jr. at Director for Traffic Enforcement na si Atty. Vic Nuñez, bilang mga kinatawan ni MMDA Chairman Atty. Don Artes, upang makiramay at mag-abot ng tulong-pinansiyal sa pamilya ng pumanaw na motorcycle rider na si Wilmer Zara.
Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang ahensiya sa kapulisan para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Zara.
"Sa panig naman ng MMDA, tiniyak ni Artes na magbibigay ang ahensiya ng ?500,000 bilang reward sa sinumang makapagbibigay ng beripikadong impormasyon sa pagkakakilanlan at kinaroroonan ng suspek para mahuli ito," saad ng MMDA.
Naganap ang insidente sa Commonwealth Avenue noong Biyernes ng gabi, kung saan nagmalasakit ang 31-anyos na si Zara na habulin ang suspek na rider na tumakas nang sitahin ng tauhan ng MMDA sa kanto ng Soliven Street.
Mapanonood sa CCTV footage ang pagbagsak ng biktima sa kalsada.
Naisugod pa si Zara sa ospital pero binawian ng buhay kalaunan dahil sa tama ng bala ng baril sa ulo.
Tinangay ng salarin ang motorsiklo ng biktima at inabandona ilang metro ang layo mula sa pinangyarihan ng pamamaril.
Keyless ang motorsiklo kaya kusang huminto ito nang mapalayo sa main key.
Masusing iniimbestigahan ng Quezon City Police District (QCPD) ang krimen, at nagsasagawa ng hot pursuit operation ang pulisya para matukoy at mahuli ang salarin.-- FRJ, GMA Integrated News