Isiniwalat ni Senador Risa Hontiveros nitong Martes, na incorporator ng pinakamalaking POGO service provider ang Chinese na si Li Duan Wang, na pirma na lang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang kulang para mabigyan ng Filipino citizenship, batay sa panukalang batas na unang inaprubahan ng Kongreso.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng komite sa Senado kaugnay sa nangyaring pagtakas noon ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, inihayag ni Hontiveros na naging incorporator ng POGO service provider si Li Duan Wang noong 2019.

“Si Li Duan Wang ay Incorporator ng New Oriental Club 88 Corporation - kumpanya na tinuring na pinakamalking POGO Service Provider pero ipinasara noong 2019 dahil sa paglabag sa batas,” ani Hontiveros na tumutol din noon na bigyan ng Filipino citizenship habang tinatalakay ito sa Kongreso.

Matapos ipasara ang kompanya noong 2019, sinabi ni Hontiveros na inamyendahan ang articles of incorporation nito noong 2020 para makapag-operate ng bilang “Special Class of BPO” na magsisilbing service provider para sa offshore online gaming.

“Buhay pa po itong kumpanya ni Li Duan Wang as of last year, nakita po natin kanina ‘yung incorporators na isa siya, at noong August 2024 lang ay inamyendahan uli ang kanilang AOI para pahabain ang corporate term at existence nila,” saad ng senadora.

“Nakakabastos po na lahat ‘yan ay itinago ni Li Duan Wang sa Kongreso,” dagdag niya.

Kinumpirma ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang koneksiyon ni Li sa mga kompanyang sinabi ni Hontiveros.

“Yes, ma’am. We confirm the SEC document that was shown earlier. That basically establishes his link to POGOs,” ayon kay PAOCC Dir. Winston Casio, patungkol sa articles of incorporation na inihayag ni Hontiveros.

Idinagdag ng senadora na nakita rin si Li sa isang gusali na sinalakay noong March 18  dahil sa umano'y may nagaganap na scam operation.

Kinumpirma ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Viado, na nakita si Li sa gusali pero hindi sa mismong sinalakay na opisina.

“Ang natanggap po naming information is he was within the building, but not within the premises of the office that was raided,” paliwanag ni Viado.

Nang tanungin kung bakit nasa gusali noon si Li, sinabi ni Viado na hindi nila ito naitanong sa dayuhan.

“Hindi po namin na-establish ang any connection between him and the corporation that was raided,” sabi ni Viado.

Nito lang Enero inaprubahan ng Senado ang House Bill No. 8839 na nagbibigay ng Philippine citizenship kay Li sa kabila ng “red flags” na inihayag noon ni Hontiveros dahil umano sa koneksyon nito sa pinuno o boss ng sinalakay na POGO hub sa Porac, Pampanga.

Nakasalalay na ngayon kay Pangulong Marcos kung aaprubahan ang panukala o ibabasura nito sa pamamagitan ng veto power. —mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News