Ngayong panahon ng kapaskuhan, patuloy na naglipana ang mga kawatan sa internet para mangulimbat ng pera sa pamamagitan ng online transactions. Alamin ang iba't ibang uri ng panloloko sa internet at text, at ano ang mga paraan upang hindi maging biktima?
Kamakailan lang, iniulat ang pagkakaubos ng pera sa bangko ng ilang depositor matapos silang makatanggap ng email mula sa nagkunwaring taga-bangko na nagsasabing mayroong silang matatanggap na regalo at benepisyo.
Dahil sa mahusay na pagkakakopya ng mga manloloko sa interface ng website ng bangko, hindi nagduda ang mga biktima na nahuhulog na sila sa online scam na kung tawagin ay "phishing."
Nang puntahan nila ang "link" na ipinadala sa kanila sa email, nalimas na ang kanilang pera matapos magbigay ng kanilang mga impormasyon tungkol sa kanilang account.
Dahil sa pandemic at mas marami ang gumagamit ngayon ng internet para sa mga transaksyon sa pagbili at pagbabayad ng kanilang obligasyon, mas aktibo rin umano ang mga scammer na maghanap ng kanilang mabibiktima lalo na ngayong kapaskuhan.
Bukod sa mga email, uso rin ang pagpapadala ng text messages ng mga scammer na nagsasabing nanalo ang kanilang bibiktimahin sa lotto o kaya ay sa raffle. Pero bago makuha ang premyo, dapat muna silang magpadala o pera o may hihinging mahalagang impormasyon tungkol sa bank account, o credit card o kaya naman ay sa inyong social media account.
Tunghayan sa video na ito ng GMA News Feed ang iba't ibang uri ng online at text scam at ano ang mga palatandaan na bogus ang mga natanggap na email o mensahe. Panoorin ang video upang hindi mabiktima.
--FRJ, GMA News