Kung dati ay kumikita lang ng P10-P15 kada araw bilang konduktor ng bus si Felix Santillan, ngayon, dahil sa pagsisikap ay mayroon na siyang mga mamahaling sasakyan na pinaparentahan sa Amerika. At kabilang sa kaniyang mga pasahero, mga kilalang personalidad tulad ni Captain America Chris Evans.

Kuwento ni Felix sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," lumaki at namulat siya sa mahirap na buhay kaya naman nagsikap siyang abutin ang kaniyang pangarap na balang araw ay aasenso.

Mula sa pagiging konduktor ng bus, nagtrabaho sa barko si Felix at nakarating sa iba't ibang bansa.

Nang magkaroon siya ng pagkakataon na makarating sa Amerika, nagsilbi siyang mekaniko sa US Navy at Post Office hanggang sa maging residente na roon.

Nang magretiro, binalak niyang mag-apply bilang driver ng limousine pero hindi siya natanggap.

Pero sa halip na panghinaan ng loob, isang mabigat na desisyon ang kaniyang ginawa--ang itaya ang kaniyang ipon at bumili ng sarili niyang limousine.

Ngayon, bukod sa limousine, mayroon pa siyang higit na 10 mamahaling mga sasakyan na pinaparentahan.

At kabilang sa kaniyang mga naging kliyente ay mga sikat na personalidad tulad ng mga Hollywood celebrities na sina Patti Austin, Simon Cowell at si Captain America Chris Evans.

Papaano nga ba nagawa ni Felix ang pag-asenso at nakuha na rin niya ang kaniyang pamilya sa Pilipinas at kasama na rin niya sa Amerika? Panoorin ang kaniyang kuwento sa video na ito ng "KMJS." --FRJ, GMA News