Pamumula, pangangaliskis at panunuyo ng balat at kung minsan ay may kasamang pagtutubig-- ito ang bunga ng kondisyon na Atopic Dermatitis. Ano nga ba ang Atopic Dermatitis at sinu-sino ang maaaring makakuha nito?

Sa programang "Pinoy MD," ipinaliwanag ni Dr. Jean Marquez na ang Atopic Dermatitis ay isang uri ng eczema o skin disorder na tinatawag din na "asthma of the skin."

'PINOY MD': Impeksyon sa balat tulad ng eczema, 'di dapat balewalain
 

Kadalasang nagkakaroon ang mga tao ng Atopic Dermatitis sa mga "industrial" o modernong mga bansa, dahil sa mga pollutant at stress.

Ngunit maaari din daw itong maging hereditary.

Ayon kay Marquez, ang FLG gene ang responsable sa paggawa ng Filaggrin, na nagpoprotekta sa lipid bilayer para magdikit-dikit at hindi umalog o magalaw ang cells ng tao. Ang Filaggrin din ang tumutulong sa "skin barrier" function ng ating balat.

Ngunit kapag nagkaproblema sa Filaggrin, masisira ang lipid bilayer ng balat at nagkakaroon ng "micro-cracks" kaya may potensyal na makapasok ang mga allergen.

Magreresulta na ito ng inflammation o pamamaga at pangangati ng balat.

Matagal na nagkakaroon ng Atopic Dermatitis ang isang taong mayroon nito na nagpapaulit-ulit at inaabot ng mga taon.

Maliban sa panunuyo at pagtutubig ng balat, sobrang kati rin kung minsan ng Atopic Dermatitis sa isang bahagi ng katawan ng tao.

Maaaring magsimula ang Atopic Dermatitis sa mga batang limang taong gulang o pababa. Mawawala panandalian ang kondisyon sa kanilang pagtanda, pero 10% hanggang 30% ng mga batang meron nito ay maaaring magtuloy ang sakit hanggang tumanda sila.

Kadalasang mga lalaki ang naaapektuhan nito na nagiging severe.
Panoorin sa video ang mga payo ni Dr. Jean kung ano ang mabisang paraan para gamutin ang sakit na ito sa balat.


--FRJ, GMA News