Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte na hulihin ang mga hindi nagsusuot ng face mask kapag lumalabas ng bahay. Pero kasama ba sa mga sisitahin ang mga driver na nasa loob ng sasakyan tulad ng kotse, kung wala siyang suot na face mask? Alamin.
Sa GMA News "Unang Hirit" nitong Miyerkules, sinabi ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac, na ikinukonsiderang lumabas na ng bahay ang isang driver kapag nasa loob siya ng sasakyan.
"Kapag kita po na talagang hindi gumagamit [ng face mask] considered po 'yon na lumabas na siya ng kaniyang pamamahay. Sisitahin po 'yon [ng mga awtoridad]. Titiketan po 'yon o aarestuhin," ayon sa tagapagsalita ng kapulisan.
"Mahalaga po 'pag lumabas po ng bahay kahit tayo ay nagmamaneho ng ating sasakyan, at visible po kitang-kita ka na ikaw po ay hindi gumagamit, ikaw po ay paparahin at kasama ka titiketan ng mga pulis," paliwanag pa niya.
Kaya naman payo ni Banac, "Mahalaga po kahit tayo ay nagmamaneho ng sasakyan ilagay po ang face mask."
Panoorin ang buong panayam patungkol sa patakaran ng pag-aresto sa mga hindi magsusuot ng face mask sa labas ng bahay.
--FRJ, GMA News