Dahil sa COVID-19 pandemic, maraming empleyado ang nawalan ng trabaho kasunod ng pagsasara ang mga negosyo. Paano nga ba sila makababangong muli sa gitna ng krisis?
Sa episode ng "Newsmakers" ng GMA News and Public Affairs, inilahad ni Assistant Secretary Dominique Tutay ng Employment and General Administration Cluster ng Department of Labor and Employment (DOLE), na humiling na ang ahensiya ng P40 bilyon sa mga mababatas para sa recovery program sa mga manggagawa at pagtulong sa mga naapektuhang negosyante.
Kasama sa kanilang panukala ang P5,000 na wage subsidy na ibibigay sa payroll system ng mga establisimyento para sa kanilang mga manggagawa.
Pero ayon kay Atty. Sonny Matula, presidente ng Federation of Free Workers, maliit lamang ang mungkahing a stimulus package dahil 0.7% lang ito ng Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas.
Sinabi naman ni Eric Teng, restaurater at president ng Resto PH, inaasahan nilang matutugunan ng mga online order ang 40% ng sales sa restaurant industry.
Dagdag naman ni Tutay, tinitingnan ng DOLE na dalawang taon o higit pa bago tuluyang makabangon ang mga negosyo dahil sa takot ng mga manggagawa na mahawaan ng COVID-19.
Pero naniniwala si Teng, na aabutin lamang ito ng anim na buwan.
Binanggit ni Prof. Winnie Monsod, na isa ring ekonomista, na noong panahon ng Great World Depression ng 1929-1933, mayroon ekonomista na nagpayo na dapat gumastos ang mga tao sa halip na magtipid para may maibentang produkto ang mga negosyo.
Kung hindi raw ito gagawin, patuloy na maaapektuhan ang mga negosyo at marami pa ang posibleng mawalan ng trabaho.
Kaya para kay Monsod, dapat matuto ang mga tao sa naturang economic depression na nangyari isang daan taon na ang nakalilipas kung papaano sila nakabangon sa pamamagitan ng patuloy na paggastos upang matulungan ang ekononiya.
Panoorin ang buong talakayan.
--Jamil Santos/FRJ, GMA News