Naging masalimuot para sa OFW na si Marcelo Tanyag III ang kaniyang kalagayan sa Saudi Arabia matapos siyang magka-sintomas ng COVID-19, maghirap pero walang tumugon. Bago siya mamaalam, nakapag-record at video pa siya ng kaniyang huling saklolo.
Sa RTx ng GMA Public Affairs, sinabing nang pumutok ang COVID-19 sa Saudi Arabia, isa si Marcelo sa mga nahirapang huminga at umuubo.
Nakausap pa ni Marcelo ang kapatid noong Mayo 23 na gusto niyang madala sa ospital, pero dinala lang siya sa clinic.
Mayo 31 nang mag-viral ang paghingi ng saklolo ni Marcelo.
"Pinipilit ko na lang pong mag-record kahit hirap na hirap na po ako. Sa totoo lang, ilang araw na akong humihingi ng tulong," sabi ng OFW sa video.
"Ilang beses na ako nakiusap. Sabi dadalhin na ako sa ospital ulit. Ang daming beses na ibinalik na naman ako rito at 'yung sa huli, ikinulong na nila ako," ayon pa kay Marcelo.
"Sa totoo lang, malapit na akong sumuko. Panginoon, kayo na po ang bahala."
Kuwento ni Marjorie Tanyag-Hadloc, kapatid ni Marcelo, nakatawag pa si Marcelo noong Hunyo 1 sa mga kapatid nito, pero sumisigaw na ng "Aray! Aray!"
"Tumawag sa amin 'yung employer. 'He's dead. It's God's will.' Tapos binaba na," ayon kay Marjorie.
Palaisipan pa rin sa pamilya ni Marcelo kung namatay siya sa COVID-19 o sa natural causes.
Natupad ang kahilingan ng pamilya ni Marcelo nang dumating din ang mga labi ng OFW noong Hunyo 23.
Gayunman, wala raw silang natanggap na anumang financial assistance mula sa gobyerno at sila lang ang gumastos ng mahigit P100,000.
Ngunit umaasa pa rin silang tutuparin ng Philippine Embassy sa Riyadh ang pangakong sasampahan nila ng kaso ang employer ni Marcelo. — Jamil Santos/DVM, GMA News