Sa kabila ng peligro, pinili ni Rowena Batoy Matic at kaniyang ama na maglingkod sa kanilang mga ka-barangay sa Navotas mula nang mamerwisyo ang COVID-19. Pero nang mahawahan na sila ng virus, nakaranas na rin sila ng diskriminasyon.
Sa "Tunay Na Buhay" Special Online Series na "Survivors," sinabing dating location manager si Rowena ng programang "Wagas" ng GMA News TV at ngayon ay focal person na ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) ng Barangay North Bay Boulevard Proper.
Nang nagkapandemya noong Marso, tumulong si Rowena sa relief operations ng kanilang barangay kung saan isa siya sa mga nagre-repack at nagtse-tsek kung nabigyan na ng ayuda ang mga residente. Exposed sa tao si Rowena dahil sa kaniyang trabaho, lalo pa noong bigayan ng Social Amelioration Program (SAP).
Isang araw, nakaranas na ng sintomas ng COVID-19 ang kaniyang 70-anyos na ama na isang barangay traffic enforcer. Na-swab pa ito noong Mayo 6, pero Mayo 7 nang bawian ito ng buhay.
"Ang sakit, ang sakit-sakit, sobrang sakit kasi ang sigla-sigla pa ng papa ko eh. Para sa akin bayani ang papa ko, kasi kahit may pandemic na, alam niya naman na vulnerable siya pero pinilit niya pa ring magsilbi," sabi ni Rowena.
Dalawang buwan na ang lumipas pero hindi pa rin daw lumalabas ang resulta ng swab test ng ama ni Rowena.
Dahil sa insidente, kinailangan ding i-swab test ang buong pamilya ni Weng, ayon na rin sa payo ng barangay health officer. Dito na lumabas na 10 sa 17 sa kanila, kabilang si Rowena, kaniyang magulang at pamangkin, ang nagpositibo sa virus.
Nang ma-isolate ang kanilang pamilya, natanggap nila ang iba't ibang klase ng diskriminasyon.
"May 20, bigla na lang nilang nilagyan ng barricade, parang 'yung caution 'yung sa crime scene, ipa-padlock daw nila 'yung gate namin, lalagyan daw nila ng tali para raw alam ng tao na 'yung bahay na 'yun, meron daw nag-positive," kuwento ni Weng.
"Wala akong magawa kasi nasa isolation ako, 'yung dalawang kapatid kong babae nandodoon sila, sila 'yung [sinabihan] ng mga pulis na lagyan daw ng tali para raw hindi makalabas. So tinawagan ko 'yung kapitan namin, hindi alam ng kapitan namin. Tapos kinausap ng kapatid ko 'yung pulis."
"Sa kanila pa nanggaling 'yung discrimination kaya naiiyak lang ako noon sa isolation kasi 'yung pinagsilbihan ng papa ko ng almost 30 years 'yun din 'yung mandidiri or sabihin na nating nandidiri, natatakot dahil sa virus na 'yan," dagdag ng barangay official.
Hunyo 4 nang tuluyan nang makalabas ng isolation center ang pamilya nina Rowena.
Naging kritikal ang Barangay North Bay Boulevard Proper dahil sa dami ng mga tinamaan ng virus sa Navotas.
Ayon kay Weng, sobrang dami ng mga bata sa kanilang lugar at patuloy pa rin sa pagsuway ang mga tao lalo sa palengke kaya naging prone ito sa COVID-19.
"Sa akin pong mga kabarangay, ang isang the best po nating solusyon para mapaglabanan natin ang COVID na 'yan, magsuot po tayo ng mask, sanayin na po natin na isuot ang mask, pati 'yung social distancing, pilitin na po natin yan kasi ito na po talaga ang buhay natin, ito na po talaga ang ating new normal," panawagan ni Rowena sa kaniyang mga ka-barangay.--FRJ, GMA News