Ilang taon na ring iniingatan ni Bobby ang napulot nilang $5,000,00. Habang si Luis, isang pambihirang 1728 Barilla coin naman ang napulot sa isang construction site. Pero sa hirap ng buhay ngayon, magkano kaya nila ito maibebenta kung tunay at hindi peke ang hawak nilang pang-collector's item na pera. Alamin.
Ayon kay Bobby, batay sa kaniyang pagsasaliksik sa internet, nagkakahalaga daw ngayon ng $100,000 o mahigit P5 milyon ang hawak niyang $5,000.
Mayroon na nga raw nag-alok na bilhin ito sa kaniya ng P17,000 kung tunay ang pera.
Pero sabi ng eksperto sa mga lumang pera na si Kyle Gianan, kung talagang totoo ang dolyar na hawak ni Bobby, maaari pa itong umabot ng hanggang $300,000.
Iyon nga lang, base sa pagsusuri ni Kyle sa dolyar na batay sa nakita niya sa mga larawan at video, peke ang pera na hawak ni Bobby at walang halaga.
Pero ang 1728 Barilla coin na hawak ni Luis, lumitaw na totoo at talagang pambihira.
Dahil iilan na lang ang natitira sa naturang uri ng lumang barya, maraming kolektor ang naghahanap nito.
Ang presyo ng Barilla coin, posible umanong nagkakahalaga ng P30,000 hanggang P50,000, sabi ni Kyle.
Ikinatuwa naman ni Luis na malaman na tunay ang hawak niyang Barilla coin. Magagamit daw niya ang mapagbebentahan ng lumang barya para sa pagpapaaral ng kaniyang mga anak.
Pero payo ni Kyle sa mga nakakahanap ng mga lumang pera, huwag ibenta kaagad dahil maaari pang tumaas ang halaga nito paglipas ng panahon.--FRJ, GMA News