Kung may mga kasera na patuloy na naniningil ng renta sa mga nangungupahan sa kanila kahit walang trabaho dahil lockdown, iba naman ang may-ari ng mga apartment sa Batangas. Bukod sa hindi niya kinulit at ginipit sa upa ang mga nagrerenta sa kaniya, pinadalhan pa niya ng ayudang bigas ang mga ito.
Ayon sa isang nangungupahan, bago ang lockdown, regular daw kung maningil ng renta ang nagpapaupa sa kanila kada buwan. Kaya naman nang mag-lockdown at nawalan ng kita ang mga kapwa niya naninirahan sa apartment, kabado na sila sa pagdating nito sa katapusan ng buwan.
READ: Apartment ng buntis, tinanggalan ng bubong matapos hindi siya makabayad ng upa
WATCH: Ayuda ni Kuya Wil, natanggap na ng buntis na ipinapaalis ng kasera sa bahay
Pero laking gulat nila nang hindi magpakita o maningil ang nagpaparenta mula nang umiral na lockdown.
At nang magkapera nitong Mayo ang isang nangungupahan, nagpasya siyang magbayad kahit isang buwan na upa lang. Ito ay kahit na magagamit pa sana niya ang pera sa iba nilang pangangailangan.
Ngunit laking gulat ng nangungupahan nang isauli sa kaniya ang ibinayad na renta at nakausap niya ang tunay na may-ari ng apartment--na hindi pala ang taong nangingil sa kanila ng renta buwan-buwan.
Sino nga ba ang tunay na may-ari ng mga apartment at bakit pinili niyang tulungan ang mga nagrerenta sa kaniya ngayong may krisis dulot ng COVID-19? Tunghayan ang video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," at kilalanin ang kaherang may mabuting kalooban.
--FRJ, GMA News