Ngayong panahon ng COVID-19 pandemic, normal lang umano sa mga tao na makaramdam ng labis na pag-aalala. Pero hindi raw mabuti kung buong araw na itong nararamdaman. Kaya payo ng eksperto, subukan ang "positive distraction."
"People need to discover new ways of doing things na medyo kakaiba sa dati nilang ginagawa," sabi ni Dr. Maria Caridad Tarroja, isang psychologist, sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras."
"Some people say exercising, yoga works for them. All great. But other people will have different ways of finding their distraction. So whatever works for you is okay," sabi pa ni Tarroja.
Maging ang mga celebrity ay nakararamdam din ng anxiety ngayong lockdown.
"I have mornings na umiiyak ako or I feel so uncertain. Kasi paano nga ba ito, what if 'yung TV and film industry, or at least 'yung acting department of that industry becomes minimized," kuwento ni Jasmine Curtis-Smith.
Dahil dito, nagsusulat daw ang "Descendants of the Sun" star sa journal, o pinanggigigilan ang kaniyang pets para kayanin niya ang matinding stress.
Si Rita Daniela naman, workaholic bago ipatupad ang lockdown kaya nanibago nang malimitahan ang online projects at endorsements.
"Parang nakakalugmok siya na pakiramdam na feeling natin minsan wala na tayong worth o useless na. I think that's normal, hindi lang din naman tayo, for sure maraming tao ang nakararamdam no'n," sabi ni Rita.
"Pero merong isang sagot lang du'n is, 'pag napi-feel natin na ganu'n tayo and the only answer is just talk to God," dagdag ni Rita.
Kuwento naman ni Thia Thomalla, madalas daw siyang bangungutin.
"The first three days I didn't know what to do, I felt very lost and ang daming iniisip, nag-o-overthink ka na. And then I realized 'Okay, hindi ito matatapos agad-agad so you need to do something. And I realized it's my responsibility on how I deal with things and how I react to things," sabi ni Thia.
Ayon naman sa Philippine Mental Health Association, normal lang din sa ilang tao na makaramdam ng "holiday blues" o pagkalungkot tuwing holiday season.
“Andu’n ‘yung, ‘Bakit ka ba malungkot e pasko naman?’ You are being demanded to be happy, pressured na maging masaya ka. What if wala akong pera, what if wala na mga magulang ko, what if malayo ako sa pamilya ko, lalo na sa mga nasa ibang bansa,” sabi ni psychologist Lorraine Baclig sa ulat ni Maki Pulido sa "24 Oras."
Isa si Clemencia Balneg sa mga nakararamdam ng holiday blues, na apat na dekada nang hiwalay sa kaniyang pamilya.
“Masaya ka, pero deep inside may nararamdaman kang lungkot kasi malayo ka sa piling magulang mo, mga kapatid mo,” sabi Balneg.
Ipinayo ng mga eksperto sa mga taong nakararanas ng holiday blues na maging totoo sa kanilang nararamdaman at talakayin ito kasama ng iba pang tao.
“Ang pinakaimportante is to accept na ‘Okay, malungkot ako ngayon.’ Marami kang puwedeng gawin,” saad ni Baclig.
Idinagdag pa ng psychologist na maaaring maging mas mabigat ang holiday blues para sa mga Pinoy dahil kadalasang nagsisimula ang mga kasiyahan Setyembre pa lamang.
Nagpaalala si Baclig sa mga taong nalulungkot na kilalanin ang kanilang nararamdaman at humingi ng propesyonal na tulong kung kinakailangan.
“It’s okay. It’s okay na hindi ka okay. Know that these feelings are temporary, know that lilipas ang lahat nito. Mahirap pagdaanan pero for sure lilipas,” sabi ni Baclig.--Jamil Santos/FRJ, GMA News