Masama ang loob ni Annabelle nang malaman na wala siya sa listahan ng mga dapat makatanggap ng pinansiyal na ayuda sa pamamagitan ng Social Amelioration Program. Pero ang sama ng loob, napalitan ng tuwa nang makita niya sa listahan ang kapangalan ng kaniyang ama na 20 taon na niyang hindi nakikita.
Ayon kay Annabelle, tubong-Zamboanga, bata pa lang siya nang maghiwalay noon ang kaniyang mga magulang at iwan sila ng kaniyang kapatid dahil sa problema sa pamilya.
Lalo pang lumabo ang pag-asang makita ni Annabella ang ama nang mabalitaan nila ito na nag-abroad at nagtrabaho sa Saudi Arabia.
Kaya naman lumaki si Annabelle na magkahalo ang pananabik na makitang muli ang ama at may kinikimkim na sama ng loob dahil sa pag-iwan sa kanila.
Mula sa Zamboanga, nalipat na si Annabelle ng tirahan sa Novalichez, Quezon City kung saan siya nag-abang na makakuha ng SAP aid. Pero tulad ng marami, hindi siya kasama sa listahan ng mabibigyan ng pinansiyal na ayuda.
Pero ang hindi inasahan ni Annabelle, makikita niya sa listahan ang kapangalan ng kaniyang ama na si Mang Carlos, na 70-anyos na ngayon.
At kahit wala siya sa listahan, nagtungo pa rin si Annablle sa bigayan ng ayuda para hanapin ang kapangalan ng kaniyang ama, na ilan taon na pala niyang kabarangay.
Tunghayan ang nakaaantig nilang pagtatagpo, at ng isa pang kapatid ni Annabelle na sa Zamboanga. Panoorin.
--FRJ, GMA News