Ngayong ipinatutupad ang enhanced community quarantine sa buong Luzon dahil sa banta ng COVID-19, nagbibigay ang mga lokal na pamahalaan ng home quarantine pass sa bawat pamilya para makalabas ang isa sa kanila at makabili ng kanilang kailangan. Pero kailangan pa kaya nila ang "travel pass" mula naman sa barangay?
Ang isang barangay daw sa Bulacan, nagbibigay ng "travel pass" at naniningil ng P30 para makalabas ang isang tao sa pamilya upang bumili ng kanilang kailangan. Alinsunod kaya ito sa patakaran ng gobyerno?
Sa Facebook group ng naturang barangay, ipinaliwanag ng Sangguniang Kabataan Chairman na ang paniningil sa travel pass ay para sa income ng barangay na paggagamitan kung sakaling kapusin sa budget ang mga proyekto, tulad daw ng relief goods.
Pero kalaunan, nilinaw din ng barangay na ang travel pass ay para sa mga frontliner tulad ng medical staff, mga nagtitinda sa mga pamilihan at security guard na nasa labas ng barangay ang trabaho.
Binawi rin nila ang paniningil para sa travel pass.
Alamin sa "Fact or Fake" ni Joseph Morong kung ano ang maaaring kaharaping kaso ng isang lokal na pamahalaan sa paniningil nila ng bayad para sa mga pases. Alamin din ang iba pang usapin na naglalabasan sa social media kung tunay o hindi. Panoorin ang video sa itaas.. --FRJ, GMA News