Inanunsyo kamakailan ni Manila Mayor Isko Moreno na bawal nang magbenta ng mga second-hand na cellphone sa lungsod bilang solusyon umano sa mga insidente ng pagnanakaw na naturang gadget. Pero papaano nga ba masisiguro ng mga mamimili na legal ang binili nilang cellphone, at paano rin matitiyak ng mga nagtitinda na alinsunod sa batas ang kanilang ibinibenta?



Sa "Kapuso Sa Batas" ng "Unang Hirit," nilinaw ni resident lawyer Gaby Concepcion na hindi masama ang pagtitinda ng mga second-hand na gadget, maliban na lamang kung magkakaroon ng batas na nagbabawal dito.

Ngunit mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng mga nakaw na gamit dahil paglabag ito sa Presidential Decree 1612 o Anti-Fencing Law.

Sa ilalim ng batas, ang sino mang nagmamay-ari ng mga nakaw na gamit ay guilty "prima facie" ng fencing, kaya dapat siguraduhin ng mamimili na lehitimo at legal na second hand ang bagay na kaniyang binibili.

Para masiguro ito ng mamimili, kailangan nilang kumuha ng resibo mula sa dating may-ari ng gamit. Para naman sa mga tindahan ng second-hand goods, dapat ay mayroon silang clearance mula sa pulisya.

Sa ilalim na rin ng Anti-Fencing Law, dapat ay nagsusumite ang mga nagbebenta sa pulis ng inventory ng mga gamit ng mga second-hand na ibinibenta nila.

Alamin ang mga karampatang parusa para sa mga bumibili at nagbebenta ng mga nakaw na second-hand na gamit sa video na ito. --FRJ, GMA News