Base sa pinakahuling datos ng PNP-Highway Patrol Group, lumalabas na mahigit 1,000 road crashes ang nangyayari kada taon sanhi ng pagmamaneho na lasing, kaya mahalagang malaman ang dapat tandaan bago magmaneho sa kalsada para makaiwas sa disgrasya.
Sa programang Alisto nitong Martes, ipinakita sa dashboard camera ang pagliko ng kotse sa may Angeles City, Pampanga, at may nakasalubong itong isang motorisklo na may nakasunod ring tricycle.
Pagkalagpas ng motorsiklo, nawalan ng balanse ang tricycle at kinain ang kabilang lane, na nagresulta sa head-on collision nito at ng isang kotse.
Tumilapon at tumama ang ulo ng driver ng tricycle sa hood ng kotse sa lakas ng pagsalpok.
Lumalabas sa report ng PNP na lasing ang driver ng tricycle.
Idinetalye ni Police Superintendent Attorney Oliver Tanseco ang epekto ng alkohol sa utak ng isang tao.
"Tatlo 'yung nagiging epekto nito sa katawan ng isang tao. Una 'yung ating impaired vision, ibig sabihin 'yung mata natin, 'yung ating pakiramdam, 'yung ating pandinig ay nai-impair o naapektuhan," pahayag ni Tanseco.
Sinabing may iba't ibang epekto ang alkohol sa utak ng tao.
Ang cerebral cortex ang panlabas o outer layer ng utak na responsible sa memorya, pagsasalita at pandama. Kapag sobra ang pag-inom ng alak, bumabagal at nahihirapan mag-isip at magdesisyon nang tama ang bahagi ng utak na ito.
"Pangalawa 'yung ating reaction time. Ibig sabihin para sabihin ng iyong katawan na ng iyong utak sa katawan na pumreno ka o huminto ay naapektuhan," sabi pa ni Tanseco.
Ang cerebellum naman ang rehiyon ng utak na responsable sa koordinasyon at pagkontrol ng galaw ng katawan. Maaaring mawawalan ng balanse ang katawan kapag ito ay naapektuhan.
Samantala, ang limbic system ang responsable sa memorya at emosyon ng tao. Kapag labis ang pag-inom ng alak, posibleng hindi maalala ng tao ang nangyari sa kaniya habang siya'y lasing.
Base sa mga pag-aaral, isang oras ang inaabot para tuluyang mawala ang epekto ng isang yunit ng alkohol sa katawan.
Ang isang 330 milliliter beer na may 3% alcohol content ay tinatayang katumbas ng isang yunit ng alkohol. Samakatuwid, sa bawat isang bote nito, isang oras ang hihintayin para mawala ang epekto ng alkohol sa katawan.
Sa Puting Bato, Rizal naman, naaksidente rin ang isang nakamotor nang mag-overshoot at sumalpok sa isang pickup truck. Ayon kay Maritess Danggao, asawa ng nakamotor na si Ian, lasing daw ang kaniyang asawa.
Nangyari ito dalawang araw bago mag-Pasko noong nakaraang taon.
Sa dashboard camera, makikitang pababa ang minamanehong motorsiklo ni Ian sa isang kurbadang daan. Makikita rin sa video na matulin ang kaniyang takbo, na nagresulta sa pagkasalpok ng motorsiklo niya sa pickup.
Wala rin daw suot na helmet si Ian, na tumilapon. Sa ospital na siya nakita ng kaniyang misis.
Ipinagbabawal sa Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013 ang pagmamaneho nang nakainom, kung saan maaaring makulong ng tatlong buwan at magmulta ng mula P20,000 hanggang P80,000 ang isang tao kapag napatunayan na nagmaneho nang nakainom.
Mas pa mataas ang parusa kapag nagdulot ng physical injuries sa iba o kaya ay humantaong sa kamatayan ang pagmamaneho nang nakainom.
Sa ilang insidente naman, hindi alak ang sanhi ng disgrasya kundi kawalan ng disiplina ng mga motorista, tulad na lamang ng isang van at isang 16-wheeler truck na nagsalpukan sa isang intersection sa Bustos, Bulacan.
Sa kuha ng CCTV, diri-diretso pa rin ang van at truck kahit nakapulang ilaw pa ang traffic light sa intersection. Nagresulta ito sa salpukan ng dalawang sasakyan.
Ayon sa mga opisyal ng Barangay Camachilihan, walang nasugutan sa insidente.
Aminado ang driver ng van at truck na pareho silang may pagkakamali at nagkasundo na hindi magsampa ng kaso at ipagawa na lamang ang mga sira ng kani-kanilang mga sasakyan.
Sa Tanuan City, Batangas naman, patay ang isang tricycle driver at limang pasahero nito nang sumalpok sa truck.
Makikita sa kuha ng CCTV na lumiko ang tricycle at kinain ang kabilang lane ng kasalubong na truck. Hindi na nagawang magpreno ng driver ng truck kaya nabangga nito ng tuluyan ang tricycle.
Tumilapon sa kalsada ang isa sa mga pasahero ng tricycle, at naipit ang apat pang pasahero at ang driver sa loob nito.
Matapos nito, nabangga rin ang kasunod na tricycle na sinubukan pa umanong iwasan ang truck.
Dead on arrival sa iba’t-ibang ospital ang limang pasahero at ang driver ng tricycle na unang nasalpok ng truck, samantalang nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang limang estudyanteng pasahero at driver ng ikalawang tricycle. —LBG, GMA News