Sa paglipas ng panahon, patuloy ang ebolusyon ng mga makulay na jeepney ng Pilipinas.
Nitong Lunes ng umaga sa "Unang Hirit," sinuri ang ilang elemento ng disenyo ng tinaguriang hari ng kalsada.
Isa sa mga madalas na palamuti sa mga jeepney ang kabayo sa harap ng hood.
Ayon kay Dr. Jimmuel Naval, isang dalubhasa sa Philippine studies, isa itong pagbibigay-pugay sa mga sasakyan na naghari sa lansangan bago sumikat ang mga jeepney.
“Mula sa karetela at karwahe, natungo tayo sa jeep, pero hindi niya iniwan yung karetela at karwahe. Dinala pa nga niya yung mga kabayo at inilagay sa unahan, sa hood ng jeep,” ani Naval.
May kahulugan din ang iba pang mga palamuti ng jeepney, tulad ng mga antenna nito.
“Pataasan ng antenna, paramihan. Pag may 18 antenna ang jeep mo, big time ka, mayaman ka,” ani Naval.
Samantala, mayroon ding kahulugan ang seating arrangement sa loob ng jeepney.
“Kasama yun sa disensyo. Nag-uusap-usap, nagku-kumustahan para maaliw sa mabagal na takbo ng jeepney,” ayon kay Naval. —JST, GMA News