Noong 2009, upang patunayan ang galing ng ating mga ninuno, nagpagawa si Philippine Mt. Everest Expedition Team leader Arturo Valdez ng mga katulad na uri ng mga balanghay na natagpuan sa Butuan.
VOYAGE OF THE BALANGAY (1): Ang muling paglalayag ng mga bangka ng ating mga ninuno
Tumagal ng 17 buwan paglalayag nila sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, Visayas, Mindanao, at iba pang bahagi ng Timog Silangang Asya, na gamit lamang ang hangin at paggabay ng mga bituin. Sa kabila ng maraming mga bagyo at pagdududa na sila ay mga pirata, matagumpay nilang natapos ang paglalakbay noong 13 Disyembre 2010 at ang kanilang pangunahing bangka, ang Diwata ng Lahi ay nakalagak ngayon sa Pambansang Museo ng Pilipinas.
(Larawan mula sa National Art Gallery, Pambansang Museo ng Pilipinas)
“Baon ng mga Balangay”
Ngunit tulad ng balanghay ng ating mga ninuno na naging daluyan ng ating sinaunang kultura, ang pangalawang “Voyage of the Balangay” ay magbabaon din ng kulturang Pilipino sa kanilang paglalakbay.
Liban sa mga nabanggit na kagamitang iiwan sa ating konsulado sa Hongkong, may 20 mga kagamitan ang kinolekta ng Project Saysay sa tulong ng Kaya Natin mula sa iba't ibang institusyon, at mga mamamayan na sasama sa paglalakbay ng mga bangka. Ilalagay ang mga kagamitan na ito sa tatlong kawayang inukitan ng baybayin na ipinagawa ng Project Saysay sa Hibla Sanghabi, isang grupo ng mga musikero ng katutubong mga instrumento.
Ang mga kagamitan mula sa Luzon ay ibinalot sa telang abel Iloko mula Bangar, La Union, na ibinahagi ng Saint Louis College of San Fernando City, La Union; ang mga kagamitan sa Visayas sa telang hablon mula Miagao, Iloilo, na ibinahagi ni Dr. Randy Madrid ng UP Visayas Center for West Visayan Studies; at ang mga kagamitan mula sa Mindanao naman ay sa telang tinalak mula sa Lake Sebu, Timog Cotabato, at hinabol mula Bukidnon na bigay ng Tboli School of Living Tradition at Hibla Sanghabi.
Ang mga kagamitang inilagay:
1. Isang USB na naglalaman ng mga bersyong digital ng mga script ng mga dulang "Ari: A Life with the King" ni Robert P. Tantingco, na direktor ng Juan D. Nepomuceno Center for Kapampangan Studies, Holy Angel University, at ang "Bikolanong Hinulid," na isinulat at idinerehe ni Kristian Cordero, direktor ng Ateneo de Naga University Press, at ginampanan ni Superstar Nora Aunor; gayundin ang larawan ni Rizal na kinulayan ni Ivan Bilugan ng Philippine History in Color; at ang tesis masterado mula sa UP Departamento ng Kasaysayan na"Pagsasakasaysayan ng Pagpapangalan ng mga Bayan sa Hilagang Panay," ni Ruchie Mark Pototanon ng University of the Philippines Visayas in Iloilo.
2. Aktuwal na sulat kamay na kopya ng tula ng makatang Waray na si Samlito Abueva, ang "Bukatkat" (Fireflies), na patungkol sa pananalasa ng bagyong Yolanda, ang pinakamalakas na bagyong dumapo sa lupa sa kasaysayan noong 2013.
3. Ang 3D architectural puzzle ng Swito Corporation ng Davao, ang “Balay-Balay Ta!” Isang nabubuong maliit na replica ng “torogan,” ang sinaunang bahay ng mga Maranao sa Marawi City.
4. Isang kulibaw (jaw harp) ng mga Tinguian at isang ambahan o sulat Mangyan sa isang kawayan na ipinagkaloob ng Hibla Sanghabi.
5. Isang "puso," ang lalagyan ng kanin na hugis tatsulok at gawa sa dahon ng buko, at ang seda ng Negros na mula Bago City na ibinigay naman ng Negros Occidental Provincial Tourism Office.
6. Ang blueprint ng restorasyon ng Metropolitan Theater mula sa Architect-in- charge nito na si Gerard Lico.
7. Ang blueprint ng restorasyon ng Simbahan ng Baclayon sa Bohol mula sa NHCP.
8. Isang sketch ng Mi Retiro Rock sa Dambanang Rizal sa Dapitan ang ibinahagi ng NHCP chemist na si Gee Roxas.
9. Sinturon ng babaeng Tboli, at mga telang Yakan at telang Tausug mula sa mga delegado ng 1st National Youth Forum on Heritage na sina Janelyn Dalisan of Lake Sebu at Randal Jay Mislang of Isabela, Basilan.
Ang mga kagamitang ito ay babalik din sa Pilipinas kasama ng mga balanghay.
Isang ika-apat na lalagyang kawayan ang nagtataglay ng isang bandilang Pilipino na dadalhin din sa Hongkong, ang lugar kung saan ito nilikha nina Marcela Agoncillo, Delfina Herbosa de Natividad at Lorenza Agoncillo noong 1898. Itataas ito sa ating konsulado roon at nakatakdang ibalik sa Pilipinas upang itaas sa Dambanang Aguinaldo sa Kawit, Cavite, kung saan ito iwinagayway sa proklamasyon ng kasarinlan ng Pilipinas noong 1898, sa araw ng Kalayaan sa 12 Hunyo 2017.
(Ilan sa mga baon ng Balangay na mula sa Project Saysay. Larawam ni Xiao Chua)
Bansa ng mga Taga-Ilog
Nabanggit ko kay Usec. Art Valdez na may prediksyon ang National Hero na si Jose Rizal sa kaniyang sanaysay na, “Pilipinas sa Loob ng Isandaang Taon” na kung babalikan ng mga bagong Pilipino sa henerasyong ito ang kulturang maritima ng kanilang mga ninuno, magiging maunlad tayong bansa. Sapagkat makikita nang Pilipino na may batayan ang pagkakaisa natin bilang bansa, iba-iba man tayo. Kaya nga tinawag ni Andres Bonifacio ang bansa natin na Katagalugan, dahil tayong lahat ay taga-ilog.
Ani Rizal: “With the new men that will spring from her bosom and the remembrance of the past, she will perhaps enter openly the wide road of progress and all will work jointly to strengthen the mother country at home as well as abroad with the same enthusiasm with which a young man returns to cultivate his father’s farmland so long devastated and abandoned due to the negligence of those who had alienated it. Then the mines – gold, iron, copper, lead, coal, and others will be worked again – which will help solve the problem of poverty. Perhaps the people will revive their maritime and commercial activities for which the islanders have a natural aptitude, and free once more, like the bird that leaves his cage, like the flower that returns to the open air, they will discover their good old qualities which they are losing little by little and again become lovers of peace, gay, lively, smiling, hospitable, and fearless.”
Kaya ng Pinoy!
Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng History Department ng Pamantasang De La Salle Maynila. Isa siyang historyador at naging consultant ng mga GMA News TV series na “Katipunan” at “Ilustrado.”
-- FRJ, GMA News