Patay ang isang mag-asawang sakay ng motorsiklo matapos silang mabangga ng isang sports utility vehicle (SUV) sa Dingras, Ilocos Norte.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Bungcag, nitong Martes ng gabi.
Sa imbestigasyon ng pulisya, may nabangga muna ang SUV na kulong-kulong (isang uri ng tricycle) sa likod at nawalan ng kontrol ang driver kaya napunta sa kabilang bahagi ng kalsada.
Nagkataon naman na paparating ang motorsiklo na sinasakyan ng mag-asawa, at nangyari na ang banggaan.
Nasawi ang mag-asawa habang sugatan ang driver ng kulong-kulong at tatlo niyang sakay na dinala sa ospital.
Ligtas naman ang driver ng SUV na nasa kustodiya ng pulisya. -- FRJ, GMA Integrated News