Patay ang isang rider matapos na magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa Malasiqui, Pangasinan.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa GTV Balitanghali nitong Huwebes, ipinakita ang CCTV footage sa nangyaring insidente sa main road na sakop ng Barangay Don Pedro.
Sa video, makikita na maayos ang daloy ng trapiko nang tumawid papunta sa kabilang bahagi ng kalsada ang isang motorsiklo.
Pero pagdating niya sa gitna, nasalpok na siya ng isang humaharurot na motorsiklo.
Parehong tumilapon ang dalawang rider at isinugod sa ospital pero binawian ng buhay ang isa, at sugatan din ang isa pa.
Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang kaanak ng nasawing biktima. --FRJ, GMA Integrated News