Sinaksak at tinangay ng dalawang salarin ang motorsiklo ng isang binatilyo sa San Jose Del Monte sa Bulacan noong Martes ng gabi.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa GTV News "Balitanghali" nitong Huwebes, makikita sa CCTV footage, na minamaneho ng biktima ang kaniyang motorsiklo habang nakabuntot sa kaniya ang dalawang salarin na nakasakay sa isang motorsiklo sa Barangay Kaypian.
Hanggang sa hinarang na ng riding in tandem ang biktima. Bumaba ang angkas ng motorsiklo at sinunggaban ang binatilyo at sinaksak.
Kaagad na sinakyan ng isa sa mga suspek ang motorsiklo ng biktima at tumakas ang dalawa sakay na ng magkahiwalay na motorsiklo.
Nagawa naman ng biktima na makatakbo at nakahingi ng tulong sa kaniyang pamilya.
Isinugod siya sa ospital dahil sa tinamong saksak sa tagiliran at patuloy na nagpapagaling.
Ayon sa ina ng biktima, inutusan lang niya ang anak na magpa-cash in para sa kaniyang e-wallet. Nais niyang mabigyan ng hustisya ang anak.
"Hindi ka na naawa sa bata ang payat-payat nung anak ko. Hindi naman siya lumaban, ibinigay naman yung motor, bakit kailangan mo pang manaksak? Bakit kailangan mo pa siyang saktan?," hinanakit ng ginang.
Ayon sa pulisya, sinabi ng biktima na napansin na umano niya ang mga suspek na tila minamanmanan na siya noong nagpapa-cash in pa lang sa tindahan.
Matapos na magpa-cash in, dumiretso ang biktima sa basketball court para manood ng liga. Inakala umano nito na doon din ang punta ng mga suspek nang sundan siya.
Patuloy na nahahanap ng mga awtoridad ang mga suspek.-- FRJ, GMA Integrated News