Nasawi ang magbayaw matapos na mauwi sa barilan ang kanilang mainit na pagtatalo tungkol sa pagbebenta ng mga manok na panabong sa Talisay City, Negros Occidental.
Sa ulat ni Aileen Pedreso sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Lunes, kinilala ang magbayaw na nasawi na sina Michael Calapan, 32-anyos, at Peter John Salanatin, 37-anyos.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lasing umano si Salanatin noong puntahan nito at batuhin ang bahay ni Calapan noong hatinggabi ng March 14 sa Sitio Mambucano, Barangay Cabatangan.
“Si Peter [Salanatin) nambato sa bahay ng biktima. Nang lumabas na ang biktima, nag-result ng heated argument between them,” sabi ni Talisay City Police Station Chief, Lt. Col. Salvador Trono, Jr.
Hanggang sa nauwi na sa barilan ang pagtatalo ng dalawa. Nagtamo ng tama ng bala sa dibdib si Calapan, habang sa ulo naman tinamaan ng bala si Salanatin, na naging dahilan ng kanilang pagkamatay.
Ayon kay Trono, lumalabas na pagbebenta ng mga manok ang ugat ng away ng magbayaw.
“Conflict sa kanilang trabaho. Nagbebenta sila ng manok, nag-aalaga kasi sila ng manok. Nag-aagawan sila ng mga customer nila,” anang opisyal.
Ang asawa ni Salanatin na si Narcisa, sinabing hindi niya alam ang transaksyon ng dalawa at away.
“Hindi ko alam ang transaksyon nila. Wala akong alam sa transaksyon. Sobrang sakit, dahil bigla-bigla,” ayon sa ginang.-- FRJ, GMA Integrated News