Nasawi ang dalawa katao at tatlo ang sugatan matapos magsalpukan ang isang freezer van at isang utility van bago mahulog sa bangin sa Quezon, Bukidnon.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Martes, lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na magkasunod na bumibiyahe ang dalawang sasakyan.
Ilang saglit pa, nagkaproblema umano sa preno ang freezer van bago dumating sa pakurbang bahagi ng kalsada sa Barangay Palacapao, at nasalpok nito ang sinusundang utility van.
Dito na sabay na nahulog sa malalim na bangin ang dalawang van.
Isang motorsiklo ang damay din sa insidente.
Dead on arrival sa ospital ang helper ng freezer van at driver ng utility van matapos silang magtamo ng malulubhang mga sugat.
Patuloy ang paggulong ng imbestigasyon sa insidente. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News