Patay sa pamamaril ng riding in tandem ang isang barangay chairwoman at ang kaniyang mister habang sakay din ng motorsiklo sa Dueñas, Iloilo.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing nangyari ang pamamaril kaninang umaga sa Barangay Tinucuan.

Kinilala ang biktima na si Michelle Lamela, 50-anyos, chairwoman ng Barangay Santo Niño, at ang kaniyang asawa na si Rodney.

Ayon kay konsehal Elly Lamatao, papunta siya sa trabaho nang nakita niya ang mag-asawa dakong 9:30 a.m. na sakay ng motorsiklo. Pero ilang saglit matapos na lumampas sa kaniya ang mga biktima, nakita niyang nakatumba na ang motorsiklo ng mga ito at nakahandusay na sa daan ang mag-asawa.
 
Inilarawan ni Lamatao na mabait ang mag-asawa at wala siyang nababalitaan na banta sa buhay ng punong barangay.

 

 

Sa hiwalay na ulat ni Sevein Hope Gegantoca ng Super Radyo Iloilo, inihayag umano ng mga saksi na nasa apat hanggang putok ng baril ang kanilang narinig.

Nakasuot naman ng jacket at helmet ang mga salarin.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Police Regional Office 6 Director, Police Brigadier General Jack Wanky, na inaalam ng mga imbestigador ang lahat ng posibleng motibo sa nangyaring krimen.

Kabilang na rito ang trabaho ni Lamela bilang punong barangay at ang pagkakadawit ni Rodney sa nangyaring pagkamatay ng kapatid ng isang pulis noong 2008.

Patuloy naman ang pagtugis ng mga awtoridad sa mga suspek na bumaril sa mag-asawa, at sinusuri ang mga CCTV footages na maaaring makatulong sa isinasagawang imbestigasyon.

A hot-pursuit operation was launched to track down the perpetrators and establish their identities. CCTV footages have been collated to help provide leads toward the resolution of the case. --MGFerrer, DEstante/GMA Super Radyo Iloilo/FRJ, GMA Integrated News