Kalunos-lunos ang sinapit ng magkapatid na edad tatlo at lima matapos silang barilin ng sarili nilang ama, na unang binaril ang kanilang ina sa Bacong, Negros Oriental.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Huwebes, sinabing nangyari ang trahedya sa pamilya sa Purok San Roque, Barangay Buntis sa Bacong.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, unang binaril ng 30-anyos na suspek ang kaniyang asawa matapos na magtalo ang dalawa.

Nagawa namang makatakbo ng ginang at doon na pinagbalingan ng suspek ang dalawa nilang anak na babae.

Matapos barilin ang kaniyang mga anak, nagbaril din sa sarili ang suspek na kaagad niyang ikinasawi.

Sa hiwalay na ulat ni Gabriel Bonjoc ng Super Radyo Cebu, sinabing nag-ugat ang away ng mag-asawa nang pumunta ang suspek sa bahay ng ginang para hiramin ang dalawang anak.

 

 

Pero tumanggi umano ang ginang na dahilan para bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang kaniyang asawa.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyari.-- FRJ, GMA Integrated.