Patay ang isang lalaki sa Cebu City matapos na barilin dahil umano sa hindi pagbabayad ng utang.
Sa ulat ni Efren Mamac ng GMA Regional TV sa GMA News Saksi nitong Lunes, sinabing kapitbahay at kaibigan ng pamilya ng biktima ang suspek na 18-anyos.
“Bakit nagawa nila 'yun sa aking ama? Maayos naman ang pakikitungo ng aking ama sa kanila. Tapos, yung ang gagawin nila sa papa ko,” hinanakit ng anak ng biktima.
“Yung batang 'yan [suspek], malapit sa akin, kaya malapit din siya kay papa. Sa tuwing pupunta ako rito, siya ang sasalubong sa akin,” saad pa ng isang anak ng biktima.
Lumalabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya na humiram umano ng P400 ang biktima sa suspek.
Ayon kay Cebu City Police Office Station 7 Chief Police Major Jeciree Basitao, nalaman ng suspek na nanalo sa online game ang biktima kaya siningil niya ito at pinuntahan sa bahay.
Pero hindi umano nakapagbayad ang biktima dahil naubos na ang pera nito, at humantong sa malagim na krimen.
Nahaharap sa kasong murder ang naarestong suspek na sinusubukan pang makuhanan ng pahayag.— FRJ, GMA Integrated News