Namatay ang isang 21-anyos na lalaki matapos barilin habang nakatigil sa traffic light sa Cebu City ang sinasakyan niyang motorsiklo. Ang salarin, bumaba mula sa isang mini van.
Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, ipinakita ang kuha sa CCTV camera na sakay ng isang motosiklo ang biktima at dalawang iba pa.
Nakatigil ito sa traffic light at naghihintay ng go signal nang dumating ang mga suspek na sakay ng mini van at tumigil malapit sa biktima.
Isang suspek ang bumaba mula sa mini van at lumapit sa biktima at namaril.
Natumba sa kalsada ang biktima habang tumakas ang suspek sakay ng mini van.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima dahil sa tinamong tama ng bala sa tagiliran.
Ayon sa pulisya, galing sa isang bar ang biktima at mga kasama nito kung saan sinundan sila ng mga suspek.
Sinabi ni Police Captain Mark Eric Papong, hepe ng Abellana Police Station 2, na may mga person of interest na sila at pinaghihinalaan na kinaroroonan.
Ilegal na droga ang isa sa mga tinitingnan na motibo sa krimen na naging dahilan din kung bakit nakulong noon ang biktima.
Nanawagan naman ang kaanak ng biktima na mabigyan ng hustisya ang nangyari sa kanilang mahal sa buhay.-- FRJ, GMA Integrated News