Sapul sa CCTV camera ang pagtilapon ng isang babae at isang lalaki na nasa gilid ng daan nang tumbukin sila ng isang multicab sa Borbon, Cebu.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing nangyari sa Sitio Canlagang Dos sa Barangay Don Gregorio Antigua noong November 2, 2024.
Makikita sa video footage na nakasakay na ang 24-anyos na biktimang lalaki sa motorsiklo para umalis, habang nasa tabi niya at gumagamit ng cellphone ang 23-anyos na biktimang babae nang biglang sumulpot ang multicab na nakabangga sa dalawa.
Isinugod ang dalawa sa Sogod District Hospital at inilipat sa isang ospital sa Cebu City, ayon sa ulat.
Natuklasan na residente ng Lapinig, tubong-Northern Samar ang 31-anyos na driver ng multicab, na umamin umano sa mga awtoridad na hindi niya kabisado ang daan sa lugar.
Galing umano ito sa Cebu City at patungo sa northern Cebu, at nagmamaniobra nang tamaan niya ang mga biktima na nasa gilid ng daan.
“Mibiyahe ni siya padung sa norte…na-surprise kuno siya sa dalan, kay dili siya taga-dinhi. Taga-Samar ni siya. Two years pa kuno siya sa city, stay-in ni siya,” ayon kay Police Master Sergeant Rogelio Sinadjan, investigator sa Borbon Police Station, sa panayam ng DYSS Super Radyo Cebu.--FRJ, GMA Integrated News