Namatay ang isang 47-anyos na babae matapos siyang saksakin ng kaniyang estranged husband nang makita siya sa labas ng bahay habang nagbibilad ng palay kasama ang bagong karelasyon sa Urbiztondo, Pangasinan.
Sa ulat ni Jerick Pasillao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na galing sa inuman ang 68-anyos na suspek nang puntahan niya ang biktima para ayain na sumama muli sa kaniya.
Nagkaroon ng mainit na pagtatalo nang ayain umano ng suspek na sumama sa kaniya ang biktima, pero tumanggi ang babae.
"Doon nagkaroon ng confrontation hanggang nauwi sa habulan,” ayon kay Police Captain Michael Murao, Deputy Chief ng Urbiztondo Police Station.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang ginang dahil sa tinamong mga sugat, habang nakatakbo naman ang bago niyang karelasyon.
Ayon sa naarestong suspek, “Tinanong ko ‘yung asawa ko. 'Sabi mo pupunta ka sa bahay,' 'Hindi ako papayagan,' sabi niya. 'Kabit mo lang ‘yan,' sabi ko."
Nagsisisi ang suspek sa kaniyang ginawa sa kaniyang dating asawa.
"Tinira ko ‘yung asawa ko, hindi ko alam kung patay o hindi, at tumakbo na ako,” saad niya.
Ayon sa mga anak ng mag-asawa, anim na buwan nang hiwalay ang kanilang mga magulang at hindi nila inakala na mauuwi sa malagim na ang krimen ang nangyari sa dalawa.
Mahaharap sa reklamong parricide ang suspek pero hindi pa nakapagdedesisyon ang mga anak kung itutuloy ang kaso.-- FRJ, GMA Integrated News