Patay sa pamamaril ng mga salarin na nakasuot ng bonnet ang isang 13-anyos na binatilyo sa Cebu City. Nangyari ang krimen, dalawang araw bago sumapit sana ang kaarawan ng biktima.

Sa ulat ni John Kim Bote sa Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabing nangyari ang krimen nitong Lunes ng gabi sa Sitio Lahing-Lahing 2, Barangay Mabolo.

Ayon sa ina ng biktima, bago mangyari ang krimen, umuwi pa ang ang kaniyang anak at kinalaunan ay umalis kasama ang mga kaibigan.

Hanggang na nakatanggap na siya ng impormasyon na pinagbababaril ang kaniyang anak ng mga salarin na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan.

Nanawagan siya ng hustisya at hiniling sa mga kaibigan ng anak na sabihin sa mga pulis ang kanilang nalalaman.

 

 

Nakatakda sanang ipagdiwang ng biktima ang kaniyang ika-14 na taong kaarawan sa Miyerkules.

Sa hiwalay na ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nasa ikatlong palapag ng ginagawang bahay ang binatilyo nang puntahan ito ng dalawang salarin at pagbabarilin.

Nagawa pa ng biktima na makatakbo pero binawian din siya ng buhay sa ibabang bahagi ng bahay.

Inihayag ng pulisya na nasasangkot ang biktima sa ilegal na droga.-- FRJ, GMA Integrated News