Isang motorsiklo ang nahuli-cam na tila nag-shortcut umano sa isang center island sa Tabuk, Kalinga. Ang dalawa sa tatlong estudyanteng sakay nito, patay.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Martes, mapanonood sa CCTV na ilang saglit lang, bumangga pa ang motorsiklo sa dumaraang tricycle hanggang sa bumaliktad ang tricycle.
Lumabas sa imbestigasyon na sakay ng motor ang tatlong estudyante na nagmula sa kanilang eskuwelahan.
Dead on arrival sa ospital ang dalawang estudyante samantalang sugatan ang isa nilang kasama, at ang pasahero ng tricycle.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News