Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang dalawang lalaki matapos maaksidente habang sakay ng isang motorsiklo sa ibabaw ng tulay sa Zarraga, Iloilo. Ang angkas na biktima, nahulog pa sa ilog.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Sigangao nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Lorman Almarel, 33-anyos, rider, at angkas niyang Kennery Fernandez, 32, kapuwa residente ng nasabing barangay.

Ayon sa pulisya, mabilis ang takbo ng motorsiklo nang tumama sila sa asphalt overlay ng tulay kaya nawalan ng kontrol sa motorsiklo si Almarel.

Tumilapon ang dalawa mula sa motorsiklo at tumama si Almarel sa bangketa ng tulay, habang nahulog si Fernandez.

Kapuwa walang suot na helmet ang dalawa na idineklarang dead on arrival sa ospital.--FRJ, GMA Integrated News