Nasawi ang isang barangay chairman na siya ring presidente ng Association of Barangay Captains (ABC) sa San Nicolas, Ilocos Norte, matapos pagbabarilin sa kaniyang sasakyan, kasama ang dalawang iba pa sa labas ng isang hotel sa nasabing bayan.

Sa ulat ng GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, kinilala ang mga biktima na si Barangay 6 San Juan Bautista Chairman Mark Adrian Barba, at mga kasamahan na sina Raffy Agraan Ulep, at Lord Wayne Gian Menor.

Batay sa paunang ulat mula sa pulisya, pauwi na ang mga biktima mula sa sabungan at sakay ng kanilang sports utility vehicle (SUV), nang pagbabarilin sila noong Sabado ng madaling araw.

Hindi bababa sa 30 butas mula sa tama ng baril ang tinamo ng sasakyan.

Tumakas ang mga salarin matapos ang krimen.

Hindi muna nagbigay ng detalye ang pulisya habang patuloy ang kanilang imbestigasyon.

Nito lang nakaraang Setyembre, binaril at napatay din ang isang pang barangay chairman sa San Nicolas sa labas ng kaniyang bahay- FRJ, GMA Integrated News