Lumobo na sa 116 tao ang nasawi sa nangyaring hagupit sa bansa ng bagyong "Kristine" (international name: Trami), ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Lunes.
Batay sa natanggap na mga impormasyon ng NDRRMC tungkol sa bilang ng mga nasawi, sinabing 10 sa mga ito ang validated na, habang bina-validate ang iba pa.
Idinagdag ng NDRRMC na 91 ang nawawala at 109 ang nasaktan.
Umabot umano sa 6.7 milyong tao o 1.6 milyong pamilya ang naapektuhan ng bagyo mula sa 10,147 barangay sa bansa. Sa nasabing bilang, 980,355 katao ang nanunuluyan sa 6,286 evacuation centers.
Nagdulot naman ng pinsala na P2.5 bilyon sa agricultural ang bagyo, at P1.5 bilyon ang halaga ng pinsala sa empraestruktura.
Idinagdag sa ulat na may 3,004 bahay ang nawasak, at 41,533 ang nagtamo ng pinsala.
Ayon sa NDRRMC, may 160 lungsod at munisipalidad ang isinailalim sa state of calamity dahil sa epekto ng bagyo.—mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News