Inihayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdinig sa Senado na mayroon siyang death squad na binubuo ng mga tinawag niyang "gangster" pero hindi mga pulis.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Lunes, inako ni Duterte ang pananagutan sa nangyari sa ipinatupad ng war on drugs sa kaniyang administrasyon na marami ang namatay.
"Ako, makulong sa makulong. I can make the confession now if you want. Talagang niyayari ko pero 'wag mo naman [idamay iyong] pulis, kawawa naman," giit ni Duterte.
"Meron akong death squad pero hindi ‘yung mga pulis. Sila rin yung mga gangster," dagdag niya.
"Iyong isang gangster, utusan ko, patayin mo 'yan. Kasi kung hindi mo patayin ‘yan, patayin kita ngayon," pahayag pa ni Duterte sa pagdinig.
Sinabi ni Duterte na walang pulis sa kaniyang death squad dahil maaaring masuspinde ang mga pulis at magdurusa ang pamilya ng mga ito.
“Ang pulis na finilean [file] ng kaso, suspended ‘yan. Wala ng pagkain ‘yan. The day that the suspension is issued, ang mga pamilya nila wala nang pera, ang mga bata wala ng pamasahe, hinto lahat. Paralyzed ang pamilya ng pulis,” paliwanag ni Duterte.
Mayayaman
Sa pagtatanong ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros tungkol sa miyembro ng death squad, sinabi ni Duterte na wala na ang mga ito.
“Mukhang patay naman sila lahat, Ma’am,” sabi ni Duterte, na idinagdag pa na hindi na niya maalala ang mga pangalan ng mga ito.
“You know, when I was mayor, 43 years old, I am now 73. For the life of me, I cannot remember the name,” paliwanag niya.
Sinabi pa ni Duterte na hindi niya binibigyan ng pabuya ang pitong miyembro ng death squad dahil mayayaman umano ang mga ito.
“Mayayaman ‘yun. Gusto pumatay ng mga criminal, because they want the business to thrive,” ani Duterte.
Nang tanungin kung kasama sa grupo ang isang Colonel Macasaet, sabi ni Duterte, patay na rin ito.
“Ma'am, alam mo sa totoo lang, mahabang istorya ito. Pero ang problema, Ma'am, patay na yung tao,” sabi pa ng dating pangulo.
Una rito, sinabi ni retired Police Colonel Royina Garma sa pagdinig ng House Quad Committee, na inutusan siya ni Duterte na ipatupad ang Davao model sa drug war sa buong bansa na may pabuya sa mga pulis na makakapatay ng drug suspect.
Ayon kay Garma, nagkakahalaga ng P20,000 hanggang P1 milyon ang pabuya sa mga mapapatay na drug suspects depende sa kung gaano kalaki ang partisipasyon niya sa kalakalan ng ilegal na droga.
Sinabi rin ni Garma na nakatanggap siya ng reward money noong nakatalaga pa siya sa Davao City nang may mapatay na suspek sa isang police operation.
Sa naturang pagdinig sa Senado, inihayag ni Duterte na sinabihan niya ang mga pulis na i-"encourage" ang mga kriminal na lumaban para magkaroon sila ng dahilan na patayin ito.
"Ang sinabi ko ganito, parangkahan tayo, encourage the criminals to fight. Encourage them to draw their guns,” ayon sa dating pangulo. "Pagka-lumaban, patayin ninyo para matapos na ang problema ko sa siyudad ko. Nung na-presidente ako, ganun rin sa command conference." —mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News