Sa episode ng “Fast Talk With Boy Abunda” nitong Lunes, inihayag ni Kathryn Bernardo na wala siyang pinagsisisihan sa 11-taong relasyon ni Daniel Padilla kahit pa nauwi ito sa hiwalayan.

Sa naturang episode, tinanong ni Tito Boy si Kathryn kung ano ang maipapayo niya sa kaniyang younger self.

"You know, nothing. I don’t regret anything. Ayoko siyang pangunahan. I want her to experience all the happiness, all the pain,” saad ng aktres na inilarawan na “beautiful years" ang panahon ng naturang relasyon at nakatulong ito kung sino siya ngayon.

"Ang laking part ‘non ‘yung 11 years na ‘yon," saad niya. "Kung nandiyan si little Kath, ang sasabihin ko ‘you know, ayaw kitang pangunahan. I want you to experience all of these emotions, all of these things kasi it’s gonna be a big part of your growth.'"

Ayon pa sa aktres, marami siyang natutunan sa kaniyang nagdaang relasyon.

“I’m talking about growth, I’m talking about being unselfish, about gratitude, dreams and all. Lumaki ako sa 11 years ng relationship na ‘yon,” sabi ni Kath.

“And when the break up happened, ang dami ko ring natutunan," patuloy niya, at sinabing, "feeling ko, I still don’t know the real definition of love."

Dagdag pa ng aktres, napagtanto rin niya na  “love can be found anywhere,” mula sa pamilya, kaibigan at ka-partner.

Nadama rin umano ni Kathryn na napapalibutan siya ng pagmamahal mula sa mga tao sa panahon ng pagsubok.

“I feel like I’m surrounded with so much love na ‘yon ang pinapa-feel sa akin ng mga tao na doon ko na-realize after everything na after what you went through, kung ano man ‘yon, any challenges, i-susurround ka talaga with so many good energy and so much love. And I’m so grateful for that,” paliwanag niya.

Nitong nakaraang November 2023 nang kumpirmahin nina Kathryn at Daniel ang kanilang paghihiwalay.

Bibida muli si Kathryn sa pelikulang "Hello, Love, Again," kasama si Alden Richards, na karugtong ng kanilang 2019 blockbuster hit movie na "Hello, Love, Goodbye."

Sa direksyon pa rin ni Cathy Garcia-Sampana, ipapalabas sa mga sinehan ang "Hello Love Again" simula sa November 13. — FRJ, GMA Integrated News