Nasawi ang isang mag-ama matapos makabanggaan ng sinasakyan nilang motorsiklo ang isang L-300 van sa San Carlos City, Pangasinan.

Sa ulat ni Jerick  Pasiliao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahediya sa Barangay Coliling kagabi.

Ayon sa pulisya, napunta sa kabilang linya ang van kaya nakasalpukan nito ang motorsiklo na sinasakyan ng mag-ama.

Sa lakas ng banggaan, tumilapon ang mga biktima na sina Arnel Hitomo, 58, at angkas niyang anak na si Raymart, 26.  

Hindi na sila umabot nang buhay sa pagamutan dahil sa tindi ng tinamong pinsala sa katawan.

"Pagdating sa place of incident, itong L300, nag-overtake sa isang tricycle. Hindi niya namalayan na malapit na pala yung motor, at ayon na nga po, nabangga niya yung motor," ayon kay Police Captain Aldrin Tamayo, duty officer ng San Carlos City Police.

Ayon sa pamilya Hitomo, galing sa trabaho at mag-ama at pauwi na sa Barangay Magtaking nang mangyari ang insidente.

Nagtamo naman ng galos ang driver ng van at nagnegatibo sa alcohol breath test.

Mahaharap siya sa kaukulang kaso. --FRJ, GMA Integrated News