Tatlong estudyante ang nasawi, habang dalawa pa nilang kasama ang sugatan matapos silang tamaan ng kidlat sa Bayog, Zamboanga del Sur.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabi ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Bayog, na magkakamag-anak ang mga biktima na nagtungo sa bundok para manguha ng saging na kanilang ibebenta.
Plano sana nilang gamiting pambayad sa school intramurals ang mapagbebentahan ng saging.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang mga nasawing biktima na edad 13 ang isa, at 16-anyos naman ang dalawa.
Samantala, edad 15 at 20 naman ang dalawa pang biktima na kailangang sumailalim sa operasyon dahil sa matinding sunog na tinamo dahil sa tama ng kidlat. --FRJ, GMA Integrated News