Patay ang isang ama, habang kritikal ang kaniyang anak matapos silang barilin ng suspek na dati nang nakulong sa Cebu.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na unang binaril ng suspek na sakay ng motorsiklo ang 46-anyos na ama sa labas ng bahay nito sa Barangay Owak, Asturias dakong 7 p.m. nitong Linggo.

Isinugod ng misis na siyang nagmaneho ng motorsiklo ang duguang asawa sa ospital. Angkas din niya ang 24-anyos nilang anak na umaalalay naman sa kaniyang ama na kanilang napapagitnaan.

Pero habang nasa daan at papunta sa ospital, sinundan sila ng suspek na sakay ng motorsiklo at muling namaril sa bahagi ng Barangay Cantuod, Balamban.

Sa pagkakataong ito, ang anak naman ang tinamaan ng bala sa ulo na dahilan para matumba ang pamilya.

Nasaklolohan ang mag-ama pero nasawi ang ama, habang kritikal naman ang kaniyang anak.

Ayon kay Police Lieutenant Julius Garcia, hepe ng Balamban Police Station, hinihinalang nagalit ang suspek sa amang biktima dahil tutol ito sa pakikipagrelasyon niya sa kapatid ng kaniyang asawa o hipag.

Patuloy pang hinahanap ng mga pulis ang suspek na residente ng Barangay Singsing sa bayan ng Balamban, na napag-alaman na dati nang nakulong dahil sa pag-atake sa sariling ama.-- FRJ, GMA Integrated News