Patay ang isang 35-anyos na lalaki sa Pandan, Catanduanes matapos siyang pagsasaksakin ng sarili niyang pinsan.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nagpapahinga sa labas ng kanyang bahay ang 53-anyos na suspek nang dumating ang biktima, ayon sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Lunes.

Nakainom na umano noon ang biktima at nagtalo ang dalawa. Nauwi ito sa pananaksak.

Nagtamo ng siyam na saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan ang biktima.

Dinala sa pagamutan ang biktima ngunit dead on arrival na ito.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, matagal nang may alitan ang magpinsan.

Nasa kustodiya na ng mga pulis ang suspek na mahaharap sa kasong homicide.

Walang pahayag ang suspek. —KG, GMA Integrated News